//
currently reading...
Uncategorized

Isang Mensahe Para Kay Kuya Willie Revillame

Hindi po ako masyadong nagre-react sa ganitong paraan sa mga balita, lalo na po sa mga aksyon ng isang personalidad sa showbiz, dahil sadya pong maingay at magulo sa mundo ng showbiz.

Kaso po naging bahagi na ng pambansang usapan si Jan-Jan, ang batang nag-macho dancing sa inyong palabas na Willing Willie noong March 12. Marami nga pong nag-react sa insidente, at karamihan po doon ay negatibo.

Hindi ko po napanood ang episode na iyon, kaya hindi po ako masyadong nagbigay ng opinyon tungkol dito. Pinili ko po munang basahin at pakinggan ang mga argumento ng mga nagalit sa insidente, at ng mga dumedepensa sa inyo.

Pero ang “speech” po ninyo sa Willing Willie noong April 8 ang nag-udyok sa akin para isulat ang mensaheng ito. Hindi ko po ulit napanood ang mismong episode, pero may tinutukan po akong feed sa Twitter na nagsa-summarize ng inyong speech habang binabanggit niyo ito live. Nakahanap din po ako ng video at transcript ng inyong “speech” sa Internet. At para po patas, pinanood ko na rin po ang “Jan-Jan incident” sa YouTube.

—–

“Harmless” naman po sa simula ang macho dancing ni Jan Jan. Obvious naman pong hindi niyo pinagawa mismo sa bata ang “talent” niya. Kung tama po ang sinabi niyong dapat sa saliw ng “Careless Whisper” sasayaw si Jan Jan ng ganoon, at pinalitan niyo na lang dahil “delikado”, I will thank you and the Willing Willie production team for that.

Ang problema lang po, umiyak bigla si Jan Jan. At tumawa pa po kayo. Sa tingin ko po, dito nagsimula ang lahat ng negatibong reaksyon sa insidente . Iba po kasi ang dating noon sa TV. Sana po ay pinatigil niyo muna at inalam kung bakit umiyak ang bata.

Nagtataka lang din po ako kung bakit hindi nag-alala ang mga magulang sa pag-iyak ng bata. Kung alam po nilang gustung-gustong gawin ng bata ang ganoong klase ng sayaw, nakita na po ba nilang ginagawa ni Jan Jan iyon habang umiiyak siya? Ibig sabihin, OK lang po sa mga magulang niya ang ganoong eksena?

Isa pa po, kahit bata pa po ang gumagawa noon, macho dancing pa rin po iyon. Hindi po dapat tino-tolerate, lalo na on national TV, ang ganoong klase ng sayaw. OK na po siguro kahit isang beses lang, kaso po pina-ulit-ulit niyo pa.

Hindi ko po maintindihan kung bakit kailangang pasayawin pa ng maraming beses si Jan Jan. Inangat pa po sa entablado! Dahil po ba “nakakatuwa”, at sa tingin niyo eh matutuwa din ang iba? Dito po siguro nagmula ang mga “child abuse accusations” laban sa inyo, dahil kayo na po mismo ang nag-provoke sa bata na sumayaw ulit ng ganoon. On national TV. With the consent of the parents.

Kahit na po ba gustong gawin ng bata, sana po ay naging isang mabuting ehemplo kayo at sinabi sa sariling “tama na.”

—–

Nararapat lang po na sumagot kayo sa mga akusasyon at paninira ng ibang tao sa inyo. Isa po ako sa mga magsasabing hindi na po tama ang ilan sa pagre-react. Tila po pinagsama na nila ang reaksyon sa insidente at ang “pagka-asar” nila sa inyo sa kani-kanilang mga opinyon.

Isa rin po ako sa mga magsasabing pinalaki ng media ang insidente, at hindi na rin po tama iyon, dahil pagkatao na po ninyo mismo ang tinitira. Nalalayo sa isyu ang usapan.

Pero tila naging sobra naman po ang inyong naging “speech” sa Willing Willie noong April 8. Hindi po ako sasang-ayon na wala kayong kasalanan dito. Tulad nga po ng sinabi ko kanina, sana po hindi niyo na pina-ulit-ulit sa bata ang pagma-macho dancing.

Sana po nag-sorry na lang kayo sa inyong mga sponsors at sa mga na-offend at mangangakong hindi na mauulit. Sana po sinabi niyo na lang na hayaan na lang mag-imbestiga ang mga kinauukulan, dahil sa huli, lalabas din naman ang katotohanan.

Eh may mga dinamay pa po kayong mga personalidad. Kaya po lalong lumaki ang isyu. Lalo pong tatagal ang usaping ito, at baka po maging mas maingay at marumi pa.

—–

Sana po aware kayong prone kayo sa mga ganitong insidente.

Nabanggit niyo po sa simula ng inyong speech ang mga insidenteng kinasangkutan ninyo sa Wowowee, pero sana po nagsilbing aral ang mga ito sa inyo na maging maingat sa pagho-host. Sana po eh natanggap niyo nang tututukan kayo ng sambayanan sa bawat kilos at salita niyo, dahil may “track record” na po kayo.

Nasabi ko na po dating naghahantay lang sila ng isa pang pagkakamali ninyo, at ito na nga po iyon, ang “Jan Jan incident.”

—–

Hindi ko rin po sasang-ayunan ang “pagyayabang” ninyo sa inyong speech. Hindi naman po namin pinagdududahan ang mga tulong na naibigay ninyo sa nakaraan, pero hindi po yata tamang “ipagyabang” ang mga ito. Lalo na po kapag tinitira kayo ng ibang tao.

Sabi niyo po sa inyong speech patungkol sa mga artistang “sumisira” sa inyo, “Huwag kayong manghusga ng kapwa niyo artista.” Huwag niyo rin po sanang isumbat sa kanila ang mga tulong na nagawa niyo, ikumpara ito sa mga nagawa ng iba, at husgahan sila dahil dito.

Hindi po tinitimbang o kina-quantify ang pagtulong sa mga nangangailangan. Para po sa aming mga estudyante, tulong na po ang pagbibigay namin ng abuloy sa mga namamalimos at pagbabahagi namin ng mga groceries at lumang damit sa mga sinalanta ng kalamidad.

Nagkakaroon po kasi ng impression na kayo lang ang nagagawang tumulong sa mga mahihirap. Hindi lang po ang may mga pera ang pwedeng makatulong sa mga mahihirap.

—–

I reacted this way kasi po maimpluwensiya kayo. Pinapanood po kayo gabi-gabi ng buong bansa sa TV. Tinitingala at nirerespeto po kayo ng iilan. Nagiging inspirasyon po kayo ng mga mahihirap, dahil kayo po mismo ay galing sa hirap.

Dahil dito, sana po ay nagiging maingat kayo sa pagkilos at pagbibitaw ng salita. Sana po ay nagiging isang mabuting halimbawa kayo sa sambayanan. Dahil po sikat kayo, normal na pong husgahan kayo ng ibang tao. Kaya po sana eh tama ang pag-handle ninyo sa ganitong sitwasyon. Hindi po lahat ng problema, pina-publicize at hihingan ng simpatiya mula sa publiko.

Dahil po sa ginawa ninyong speech, sa tingin ko po ay lalong hindi nagkakasundo ang buong bansa. Itong isyu pa pong ito ang naging “divisive”, ika nga. Imbes po na matuon ang pambansang diskusyon sa mga problema ng bayan, nabubuhos po ang oras ng sambayan sa mga ganitong simpleng insidente na pinapalaki ng media. (Tulad po ng ginagawa ko ngayon. Paumanhin po.)

Hindi na rin po sana kayo nagbanggit pa ng mga pangalan at nagkwento ng mga bagay na hindi po komportableng pakinggan. Imbes na magtulungan at ayusin ang problema behind the scenes, nagsisiraan pa po kayo pareho. Hindi po ito nababagay sa bansang pilit nilalabanan ang “crab mentality.”

—–

Dahil nga po sa nangyari kay Jan Jan, sinabi niyo pong mawawala ng dalawang linggo ang Willing Willie, at pag-iisipan kung babalik pa kayo sa showbiz industry. Ito na naman po tayo, Kuya Willie: may magagawa kayong mali, magtatampo at magagalit kayo, aalis saglit, then babalik to much fanfare. Tapos po may magagawa na naman kayong mali.

Kung babalik man po kayo sa showbiz industry, o sa Willing Willie, sana po make things right this time. Marami na pong chances na binigay sa inyo. Huwag po sanang dumating ang panahong masira nang tuluyan ang inyong career.

Kung hindi man po, sana ay hindi kayo tumigil sa pagtulong sa tao. Kung hindi man po kayo bumalik sa showbiz industry, sigurado po akong magtatagumpay kayo sa philantrophy. Naging instrumento na po kayo dati sa Willingly Yours. Huwag niyo na lang po sanang isa-isahin ulit ang inyong nagawang tulong. Hindi po kayo pulitiko.

—–

Sabi niyo nga po sa inyong speech, “Maaring ito ay eye-opener sa atin.” Sana nga po eye-opener ito sa ating lahat. Sa kung ano po ba talaga ang pagkakakilanlan ng isang Pilipino, lalo na po sa kung paano tayo mag-react sa ganitong usapin.

Discussion

No comments yet.

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s

Archives

%d bloggers like this: