//
currently reading...
My QWERTY Life

The Year That Was 2010

Isang taon na naman ang lumipas. Isang taon na naman ang nalagas. Pero para sa akin, ang taong 2010 ay naging isang pagkakataon para matútong muli, magsimula sa umpisa, at maghinay-hinay.

Akala ko, alam ko na ang lahat ng dapat kong malaman sa buhay. Nanabik ako sa aking independence, pero ito mismo ang lumalayo sa akin dahil hindi pa pala ako handa. Nang matanggap ko na ang katotohanang ito, mas naging masaya ako. Dahil mali palang umasa sa hindi mo pa hawak ng iyong mga kamay.

~~~~~~~

Marami akong nakilalang mga bagong kaibigan ngayong taon. Pero mas marami pa akong mga kaibigang nakilala nang lubusan. Kung sino pa ang ilang buwan mo lang nakasama, sila pa ang umintindi’t nangangarap para sa iyo. Hindi ko inaasahang sa kanila ako makakakuha ng napakaraming payo, huhugot ng suporta at lakas ng loob, at matututo ng napakaraming aral sa buhay. Harap-harapan nilang sinabi ang mga tama at mali sa mga naging desisyon at kilos ko. At dahil doon, unti-unti ko ring nakilala ang aking sarili. Lubos akong nagpapasalamat sa kanila. Hinding-hindi ko sila bibiguin.

Siyempre, napanatili ko naman ang relasyon ko sa mga taong mahalaga at patuloy na nagpapahalaga sa akin: sa aking mga magulang, kay Ate, sa mga nakababatang kapatid, at sa mga kaklase’t kaibigan. Hindi naman yata tamang kalimutan ko na lang sila nang basta-basta. Sa tinagal ng pagsasama namin, di hamak na mas marami silang naituro sa akin. Kailangan ko na lang sigurong balikan ang mga aral na iyon, at itatak muli sa puso’t isipan.

~~~~~~~

Ngayong taon, sinubukan ko ring bumawi at magsimulang muli. Naging pinakamalaki kong kalaban ang aking sarili pagdating sa isang aspeto ng buhay ko. Halos limang taon ding napagbigyan ang isang kamalian, at ngayong 2010, unti-unti na itong hindi nabibigyan ng tsansa. Nagtatagumpay ako paminsan-minsan, pero ako rin pala ang sisira sa aking sariling selebrasyon. Pampalubag-loob na lang sigurong mas maraming araw na panalo ako kaysa talo.

Mabuti na lang at nalaman ko rin sa wakas ang ipanglalaban ko sa kamaliang ito. Nahuli mang dumating, tumalab naman sa kalaban. Sana, tuluy-tuloy na ito, hanggang sa susunod na limang taon. Para quits.

~~~~~~~

Marahil sa kauna-unanang pagkakataon, natuto akong magplano at sumunod sa mga ito. Dati, puro “bahala na si Batman” ang slogan. Ngayon, matapos ang PROJMAN na subject sa school, anim na buwan ng internship, at pagsali sa Yearbook Committee, lubos kong na-appreciate ang pagpaplano. Hindi pala sapat na maidaos mo ang isang event, o matapos ang isang proyekto. Importante din pala ang plano, ang mga papeles, at ang papel ng bawat miyembro ng grupo.

Dati, inaako ko ang karamihan ng trabaho tuwing may project o event sa school. Gusto ko rin naman, at gusto din nila. Hangga’t kaya ko, gagawin ko, basta maging maganda ang kalalabasan. Mali pala iyon. Mahalaga palang maging involved ang buong grupo sa proyekto. Magbigay ng trabaho sa bawat miyembro, at magtiwala sa kanilang kakayahan. Bahala nang hindi pumasa sa aking “perfectionist” na pamantayan; basta ang mahalaga, pinaghirapan ng buong grupo. Tutal, hindi naman laging nasusunod ang lider sa lahat. Ang dapat lang na masunod palagi ay ang plano, ang pinagkasunduan ng buong grupo.

~~~~~~~

Laging payo ng isang malapit na kaibigan: look at the bigger picture. Naging padalus-dalos ako sa pagkilos, pagbibitaw ng mga salita, at paglabas ng matitinding emosyon sa ilang mga pangyayari noong 2010. Hindi ko nakitang may masisira pala akong diskarte at masasaktang mga kaibigan, kahit na hinahangad ko lang naman ay mapasaya sila ng kaunti o maturuan sila ng kaunting leksyon. Wala rin pala sa mga kamay ko ang hangaring iyon.

Tama ngang mag-isip muna nang mabuting-mabuti bago kumilos. Think before you act, ika nga. Ito ang kasabihang pilit na isinasampal sa mukha ko buong taon. Namanhid na lang yata ang pisngi ko sa dami. Hayaan ko munang mamagâ, baka sa 2011 maramdaman ko na.

~~~~~~~

Nakakatuwang mabuhay, ano? Ang daming kailangang ibalanse…

Discussion

No comments yet.

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s

Archives

%d bloggers like this: